Wednesday, June 27, 2012

Tatak Pinoy Teleserye....






Noong kabataan ko, madalas akong manood ng TV kasama ang aking lola at nanay. Maaga kaming kakain ng hapunan para sabay-sabay na manood ng paborito niyang ‘Primetime Shows’. Pinoy na pinoy ang mga pinapalabas tuwing gabi dahil puru teleserye o ‘soap opera’ ang nakapalabas. Hindi na maaalis sa amin ang panonood ng mga ganoong palabas tuwing gabi. Sikat na sikat pa noon ang Mara at Clara ni sina Judy Ann Santos at Gladys Reyes pa noon ang gumaganap. pero ako idol ko talaga sina Camile Prats na palaging gumaganap na bida, at si Angelica Panganiban na talagang kontrabido kung umasta sa drama.




Kahit sinong Pinoy siguro mahilig manood ng teleserye. Maituturing man itong ‘guilty pleasure’ pero hindi siguro maaalis ang panonood ng mga drama sa TV lalo na tuwing gabi. Madalas ay maaga pang nagsisi-uwian ang marami para lang manood ng drama sa kani-kanilang mga bahay. Marami nang mga drama na simula umpisa hangang katapusan ay talgang sinubaybayan ng mga Pinoy; lahat gabi-gabi ay nakakapit sa harap ng telebisyon at sumobra ang titig sa telebisyon. Komersyal break lang ang CR break.




Mapapansin niyo din siguro na sa maraming taon na gumagawa ng drama ang mga TV station ay halos pare-pareho na ang plot ng mga palabas. Madalas ang plot ay isang babaeng bida na mahirap at inaapi ng matapobre at insecure na kontrabida. Pero bakit nga ba sa paglipas ng panahon ay nahuhumaling parin ang mga Pinoy sa mga Pinoy na teleserye? Ano ang karisma ng Pinoy teleserye na hindi makikita sa mga banyagang ‘soap operas’?




"Nakakaaliw at Nakakarelate."




Aminin man o hindi, nakakaadik panoorin ang mga teleserye lalo na kung naumpisahan. Magandang strategy pa ng mga istasyon ng TV ang bitin eksena at biglang commercial break, pati na din ang bitin ending kada episode na talagang aabangan mo kinabukasan.




Gasgas man ang bidang mahirap at inaapi-api ng kontrabidang sukdulan ang kasamaan, swak parin sa panlasa ng Pinoy ang ganitong eksena. Lalo na kung magaling ang kontrabidang gumaganap nito, tiyak na napapasakay o napapa ‘carried away’ ang mga manonood tuwing aapihin niya ang bida. parang feel na feel mo rin ang sakit kapag nasasampal ang bida. Kulang nalang malasahan mo din ang putik na pinakain sa kanya. Naiiyak kana ng bongga noong sadyang sinunog ang bahay nila.




Minsan pa nga’y nagsasabi-sabi pa ang mga nanonood na akala mo maririning ng artista sa TV! Kung makareact sa mga eksena parang kasama din sa palabas eh, diba? Ang sarap sabunutan nung madrastang nagpapahirap sa dalagang bida!




Sentro din ng kwentuhang pinoy ang teleserye. Mapa tahanan, eskwela, opisina, sa istasyon ng bus, o sa loob man ng jeep, isang walang katapusang ‘topic’ ang nangyari sa episode kagabi. Kawawa ka kung di ka nanonood nito dahil tiyak hindi ka ‘in’ sa usapan. Bawat isa may kanya-kanyang galit sa kontrabida. may kanya-kanyang hula kung ano ang mangyayari, at kung sino ang tunay na ama ni ganito. Tiyak ngang walang preno ang bibig kapag ang paboritong teleserye na ang pinag usapan.




"Tatak Pinoy Teleserye."




May mga bagay sa teleserye na kakaiba at talagang pinoy na pinoy ang dating. Pamilyar na ang bidang inaapi at kinakawawa. Idagdag pa ang gwapong ‘love interest’ ng bida na kikiligin ka talaga kapag nakita mo.




Sino naman ang di mapapatawa sa madalas na kaibigan ng bida o ‘sidekick’ niya na magaling magpatawa? Sila ang ‘life of the show’ na kahit gaano ka seryoso ang teleserye, ay nakukuha parin nilang haluan ng komedya.




Mapapaisip ka din sa mga ‘twists’ ng kwento. Si ganito pala ay anak ni ganito na nabunits ni ganito na pamangkin ni ganito na inlove kay ganito, na mortal na kaaway ni ganito?! Walang katapusang kone-koneksyon na sa bandang huli ay mapapa ‘Ahhhhh… alam ko na’ ka. At marerealize mo na lahat ng karakter sa istorya ay magkaka ano-ano.




Ang ending ng bawat teleserye ay generic din. Hindi mawawala ang ‘epic explosion’ sa bawat pagtatapos ng palabas, na karaniwang pinapakita sa mga trailer nito! Nariyan din sa ending ang ‘epic’ na pagkatalo ng malupit na madrasta o ang kontrabidang sukdulan sa kasamaan. Maaaring sumabog siya sa sarili niyang dinamita o mabaril sa sarili niyang baril o kaya mabaliw ng tuluyan.




"Salamin ng Lipunan."




Ang mga teleserye ay hango sa tunay na buhay ng mga Pilipino. Kaya’t marami ring nahuhumaling sa panonood ng mga ito ay dahil ‘nakakarelate’ sila. Makikita sa mga palabas na ito ang kalagayan ng bansa; kung paano tumatakbo ang buhay ng karamihan sa mga Pilipino. Madalas, mahirap ang katayuan sa buhay ng bida. Madalas ding inaapi at minamaliit.




Maraming mga ‘sterotypes’ ang makikita sa mga teleserye . Madalas na may mga pulitiko sa mga drama at madalas sila ay kurakot, mamamatay tao, sakim at masasama.Ang mga mayayaman naman madalas gawing kontrabida dahil sila daw ay matapobre, sakim, at mapang-api. Ang mga madrasta ay madalas na gawing kontrabida na walang tigil na nagpapahirap sa mga bida. Ganito din kaya sila sa totoong buhay? Ang mga pulis madalas ipakita bilang mandaraya, mapang-abuso at higit sa lahat, mabagal rumesponde at madaling matalo. Ganito din kaya sila nakikita ng mga Pinoy na nanonood? Kapag nakakita ka ng taong may tatoo o kalbo, sigurado masamang tao siya (holdaper, kidnaper, rapist o mamamatay tao).




Uso din ang mga ampon, nawawalang anak o mga kabit at may anak sa labas. Sigurado marami sa mga pamilyang Pinoy ang nakakaranas nito.




"Ang ‘Future’ ng Teleserye"




Sa paglipas ng maraming taon, unti-unting nag iiba at nagiging mas makulay ang mga Pinoy teleserye. Ang dating puro drama, nagyon ay may komedy at fantasy na. May mga bida rin ngayon na lumalaban at hindi nagpapa-api.




Nagiging popular din ang maraming mga banyagang palabas na ginawang ‘remake’ ng mga Pinoy tulad ng ‘Endless Love’ ng Korea at ‘Meteor Graden’ ng Taiwan. Ngunit hindi ito naging hadlang para lagyan ng tatak Pinoy ang bawat remake na ginagawa nila.




Tunay ngang isang malaking industriya ang telebisyon sa Pilipinas. At patuloy paring manonood ng drama at teleserye ang mga Pinoy. Hindi na maaalis ang mga teleserye sa buhay ng mga Pinoy. Kasama na ito sa mga ritual kapag gabi. Nagmamadali ka mang umuwi galing trabaho o eskwela, iisa lang ang dahilan mo — Para di mo malampasan ang isa nanamang yugto ng paboritong teleserye.

No comments:

Post a Comment